• Home
  • News
  • #BaganiMayari Recap: Wala na si Mayari (Sofia)

#BaganiMayari Recap: Wala na si Mayari (Sofia)

Ang sakit.

Danielle Aquino
by
Danielle Aquino

4/6/2018 in News
#BaganiMayari Recap: Wala na si Mayari (Sofia)

Namatay si Mayari (Sofia Andres) kagabi (Abril 5) sa “Bagani.” ;(

Pagkatapos ng pagkidlat sa rehiyon ng TagaLaot ay nagpakita din si Sarimaw (Ryan Eigenmann). Nahanap niya si Dumakulem (Makisig Morales) na hawak ang bangkay ni Mayari at sinisi sa pagkamatay ng kanyang kapatid na si Apo (Diether Ocampo). Sa kabutihang palad ay dumating si Minokawa at iniligtas ang mangangaso mula sa galit ni Sarimaw.

Hindi nila natakasan nang matagal ang makapangyarihang nilalang dahil natamaan pa niya ang mahiwagang ibon. Nanghina si Minokawa at bumagsak sila ni Dumakulem nang malapit na kung nasaan sina Lakas (Enrique Gil) at Ganda (Liza Soberano).

Ipinaalam ni Dumakulem sa dalawa pang bagani na nagbalik na si Sarimaw at pinatay niya si Mayari. Agad na dumating ang makapangyarihang nilalang na ikinatakot ng mga bagani. Ipinagmalaki ni Sarimaw na si Lakam (Matteo Guidicelli) ang nagpalaya sa kanya at sila na ang magkakampi ngayon. Sa sobrang galit ni Ganda na ginamit ni Sarimaw ang kanilang kapwa bagani ay sumugod siya at nagsimula ang kanilang laban.

Lumaban ang tatlong bagani gamit ang kanilang buong lakas, pero hindi ito naging sapat para matalo ang kapangyarihan ni Sarimaw. Gamit ang kanyang tungkod, nag-ipon si Sarimaw ng kapangyarihan mula sa langit para gamitin laban sa tatlong tao. Pero nung umatake na siya, biglang may humarang at nawala ang mga bagani.

Si babaylan Gloria (Dimples Romana) ang nagligtas sa kanila. Pinaalala niya sa mga bagani nung tumatakbo sila palayo kay Sarimaw na matatalo lamang nila siya kung buo ang mga bagani.

Samantala sa bayan ng mga mangingisda, nahanap ni Datu (Enzo Pineda) ang bangkay ng kanyang minamahal na si Mayari at hindi napigilan ang kanyang pagluha.

Kasama ng iba pang nawalan ng buhay sa pagsalakay ni Sarimaw sa kanilang rehiyon, inihatid ng mga mangingisda ang kanilang bagani sa kanyang huling hantungan.

Ano na ang gagawin ng mga natitirang bagani? At paano magbabago ang Sansinukob sa pagdating ni Sarimaw?

Abangan ang “Bagani” gabi-gabi sa Primetime Bida pagkatapos ng “FPJ’s Ang Probinsyano”!     

SHARE ON FACEBOOK
SHARE ON TWITTER