• Home
  • News
  • #BaganiAngKabayaran Recap: Naku, nakatakas si Sarimaw!

#BaganiAngKabayaran Recap: Naku, nakatakas si Sarimaw!

Lakam (Matteo), ano’ng ginawa mo?! #Bagani

Danielle Aquino
by
Danielle Aquino

4/5/2018 in News
#BaganiAngKabayaran Recap: Naku, nakatakas si Sarimaw!

Dinala na ng tagapayo (Minco Fabregas) si Lakam (Matteo Guidicelli) sa kweba kung nasaan nakabilanggo si Sarimaw (Ryan Eigenmann) kagabi (Abril 4) sa “Bagani.”

Nag-ibang anyo ang tagapayo at naging hukluban sa harap mismo ng binata at dun palang napagtanto ng mangangalakal na kampon siya ni Sarimaw. Nilabanan niya ito at ang kayang kasamang halimaw, pero napahinto siya nung sabihin ng tagapagpayo na iisa lamang ang hangad nila nina Sarimaw - na pamunuan nang tama ang Sansinukob.

Naniwala si Lakam sa paghihikayat ng tagapayo na ibibigay sa kanya ni Sarimaw ang lahat ng gusto niya at pumayag nang palayain ang nilalang mula sa kanyang piitan.

Ilang beses tinamaan ng mandirigma ang malaking kristal bago ito tuluyang nasira at napalaya si Sarimaw.

Bilang gantimpala sa paglaya sa kanya, pumayag si Sarimaw na tulungan ang mangangalakal na makuha ang kanyang pinakahahangad - si Ganda (Liza Soberano).

Samantala, gulung-gulo ang isip ng maharlikang magsasaka pagkatapos niyang malaman ang totoong nilalaman ng kinabukasan ni Lakas (Enrique Gil). Tiniyak ng mandirigma sa kanya na walang mali sa kanilang pagmamahalan. Pinangako niyang hindi niya hahayaang masira ang grupo nilang mga bagani at ipapaintindi kay Lakam na totoo ang kanilang pagmamahalan.

Sa bayan naman ng mga mangingisda, malungkot pa rin si Mayari (Sofia Andres) dahil sa nangyari sa kanyang mga kapwa bagani. Sinubukan ni Datu (Enzo Pineda) na mapagaan ang kanyang loob, pero hindi ito gumana. Inamin ng pinuno ng TagaLaot na hinahangaan niya ang mapagbigay na puso ng dalaga. Ito ay dahil gusto niyang maging makasarili at talikuran ang kanyang pagkapinuno para maaari niyang mahalin nang malaya si Mayari.

Kahit na may pagtingin din si Mayari para kay Datu, pinayuhan niya ang binata na huwag talikuran ang kanyang tungkulin dahil mas kailangan siya ng mga mamamayan ng TagaLaot.

Pagsapit ng gabi ay bumisita si Dumakulem (Makisig Morales) sa kaibigang mangingisda. Pinagsisisihan na niya ang pagsasanib-pwersa niya kay Lakam at gusto nang itama ang mga pagkakamali niya. Pero bago siya nakakilos para ayusin ang lahat, biglang kumidlat nang kumidlat sa rehiyon ng TagaLaot.

Tumakbo sina Mayari at Dumakulem at tinulungan ang ibang makahanap ng masisilungan. Natamaan ang dalaga ng kidlat at labis na nasaktan.

Ano ang mangyayari kay Mayari? At ano ang pinaplano ni Sarimaw ngayong malaya na siya?

Abangan ang “Bagani” gabi-gabi sa Primetime Bida pagkatapos ng “FPJ’s Ang Probinsyano”!  

SHARE ON FACEBOOK
SHARE ON TWITTER