• Home
  • News
  • #LamatSaBagani Recap: Ang plano ng mga TagaKalakal

#LamatSaBagani Recap: Ang plano ng mga TagaKalakal

Alam na ni Lakas (Enrique) ang binabalak ng mga mangangalakal! #Bagani

Danielle Aquino
by
Danielle Aquino

4/3/2018 in News
#LamatSaBagani Recap: Ang plano ng mga TagaKalakal

By Danielle Aquino

Sa wakas ay nasabi na nina Lila (Ana Abad Santos) at Kidlat (Rayver Cruz) kay Lakas (Enrique Gil) ang nalalaman nila sa pinaplano ng mga maharlikang mangangalakal sa bayan ng mga mandirigma kagabi (Abril 2) sa “Bagani.”

Dahil pinipilit ni Lakam (Matteo Guidicelli) si Ganda (Liza Soberano) na sumang-ayon sa kanyang planong pagsasanib-pwersa, napilitan ang maharlikang magsasaka na tumakas muna kasama ang mandirigmang TagaDisyerto nang dumating siya sa bayan ng TagaPatag na nakasakay kay Minokawa.

Habang pinapagaan ni Lakas ang loob ng dalaga, kinausap ng mangangalakal ang mga mamamayan ng TagaPatag tungkol sa pagsasanib-pwersa ng kanilang mga bayan para sama-sama nilang pamumunuan ang Sansinukob. Sinabi sa kanya ni Dilag (Precious Lara Quigaman) na mukhang hindi niya makukuha ang suporta ng maraming magsasaka kung hindi si Ganda ang mamumuno sa kanila - bagay na ikinagalit ni Lakam.

Gayunpaman, nakahanap din si Lakam ng kakampi sa tatlong magsasakang pinuno ng kani-kanilang mga pamilya na may pinanghahawakan na galit patungo sa mga TagaDisyerto dahil sa kanilang ginawang pagsalakay noon.

Samantala sa bayan ng mga TagaDisyerto, natuwa si Ganda na makitang nagtatanim ang mga mandirigma at may sarili na silang munting taniman. Nakilala din ng magsasaka ang ina ni Lakas na si Lila (Ana Abad Santos) na siyang nagsabi kung bakit nagawang pagtaksilan siya ng mandirigma noon. Ikinatuwa naman ng dalaga na lubos na mapagmahal at matapat si Lakas.

Napag-usapan ng dalawa ang pagmamahal pagsapit ng gabi. Tinanong ni Ganda kay Lakas kung kaya niyang magmahal ng isang TagaPatag, at tiyak na pinaalam ng binata sa kanya na mahal niya ito hindi dahil sa kung saan siya nanggaling, pero dahil tunay niyang minamahal ito.

May dumating na mensahero sa bayan ng mga mandirigma nung sumunod na araw. Sinabi niya sa pinuno ng mga mandirigma na kailangan niyang ibalik ang dinukot niyang si Ganda kay Lakam at kailangan din niyang isuko ang kanyang sarili para pagbayaran ang kanyang mga kasalanan.

Agad na nilinaw ni Lakas na hindi niya dinukot ang dalaga at hindi siya susuko dahil wala siyang kasalanan. Pagkaalis ng mensahero ay ibinunyag na nina Lila at Kidlat ang binabalak ng mga mangangalakal laban sa kanilang angkan para mamulat na ang kanilang pinuno sa tunay nilang mga pagkatao.

Mapipigilan ba nina Lakas at Ganda ang pinaplano ni Lakam?

SHARE ON FACEBOOK
SHARE ON TWITTER