• Home
  • News
  • #BaganiBalikLoob Recap: Nagbabalik si Lakam!

#BaganiBalikLoob Recap: Nagbabalik si Lakam!

May bagong misyon si Lakam (Matteo) para sa mga #Bagani!

Danielle Aquino
by
Danielle Aquino

4/23/2018 in News
#BaganiBalikLoob Recap: Nagbabalik si Lakam!

Naglabas ng galit si Lakas (Enrique Gil) noong nakaraang Biyernes (Abril 20) sa “Bagani.”

Sinugod niya si Lakam (Matteo Guidicelli) at hinamon niya itong lumaban, pero tumanggi ang mangangalakal. Sa galit ni Lakas ay paulit-ulit niyang sinuntok sa mukha at katawan ang binata.

Inulit ni Lakam na gusto lamang niya makipag-usap at humingi siya ng tawad para sa kanyang mga kasalanan.

Dinala nina Lakas, Dumakulem (Makisig Morales), babaylan Gloria (Dimples Romana), at Liksi (Zaijian Jaranilla) ang grupo nina Lakam sa kanilang pinagtataguang kweba. Ibinahagi ni Lakam sa kanila na hawak ni Sarimaw (Ryan Eigenmann) ang kapangyarihan ni Kataw (Ahron Villena) at Makiling (Maricar Reyes) at na kailangan nilang mabawi ang mga makapangyarihang nilalang para mabuo muli ang mga bagani.

Sa kabila ng kanyang balita, hindi agad naniwala sina Lakas at Dumakulem sa kanyang sinabi. Kinuha ni Lakam ang kanyang sandata at tinapat ito sa lalamunan niya. Binilin niya kay Lakas na maghanap ng bagong baganing karapat-dapat sa kapangyarihan ni Bernardo Carpio (Benjie Paras) ngayong mawawala na siya.

Agad na pinigilan ni Lakas si Lakam at pinakinggan na ang babalang dala niya.

Para malaman kung anong kapangyarihan ang ginamit ni Sarimaw para ikulong sina Kataw at Makiling, ginamit ni Gloria ang kapangyarihan niya para makita ang mga nakikita ni Lakam. Sinigurado ng mangangalakal sa mandirigma na maaasahan nila siya bago sila umalis ng kanyang mga kasama pabalik sa bayan.

At nagtagumpay nga si Lakam sa kanyang misyon. Pagbalik niya sa bayan ng TagaKalakal, agad niyang pinuntahan kung saan tinatago ni Sarimaw ang mga makapangyarihang nilalang ni Apo (Diether Ocampo) at ito ay nakita din ng babaylan.

Sa kasamaang palad, sinabi ni Gloria na tulad ng lasong pumatay kay Apo, kapangyarihan lamang ni Sarimaw ang makakapaglaya sa dalawang nilalang. Pero, may nalalaman siyang isang pamilyang isinumpa ni Apo dahil sinamba at humingi sila ng kapangyarihan mula kay Sarimaw para patayin ang kanilang mga kaaway.

Nagpahanda si Lakas ng grupong maglalakbay at maghahanap sa isinumpang pamilya. Pinabihis niya sila na parang mga tulisan para hindi sila mapansin ng iba. Iniwan din ng mandirigma si Liksi kasama ang mga TagaDisyertong maiiwan sa kanilang taguan para protektahan sila.

Samantala sa bayan ng mga mangangalakal, nakarating na kay Sarimaw ang balita tungkol sa pinagtataguan ng grupo nina Lakas.

Mahahanap ba nina Lakas ang isinumpang pamilya?

Abangan ang “Bagani” gabi-gabi sa Primetime Bida pagkatapos ng “FPJ’s Ang Probinsyano”!     

SHARE ON FACEBOOK
SHARE ON TWITTER