• Home
  • News
  • #BaganiPwersa Recap: Kailangang mamatay ni Lakas?!

#BaganiPwersa Recap: Kailangang mamatay ni Lakas?!

May plano na si Lakas (Enrique) para talunin si Sarimaw (Ryan)! #Bagani

Danielle Aquino
by
Danielle Aquino

4/20/2018 in News
#BaganiPwersa Recap: Kailangang mamatay ni Lakas?!
Bumuo na ng plano sina Lakas (Enrique Gil), Dumakulem (Makisig Morales), babaylan Gloria (Dimples Romana), at ang iba pa nilang kasama para pabagsakin si Sarimaw (Ryan Eigenmann) kagabi (Abril 19) sa “Bagani.”
 
Nakakuha na ng impormasyon ang kanilang grupo tungkol sa kalagayan ng ibang rehiyon. Ibinalita ni Lila (Ana Abad Santos) na mga alagad ni Sarimaw ang namumuna sa mga rehiyon ng TagaDisyerto, TagaGubat, at TagaPatag habang nakipagkasundo ang Datu (Enzo Pineda) ng TagaLaot para mamuhay nang mapayapa sa ilalim ng makapangyarihang nilalang.
 
 
Pero sa kabila nito ay tiniyak ni Lila sa kanyang anak na meron silang mga kakamping naghihintay lamang ng senyales para lumaban.
 
 
Ibinahagi ni Dumakulem sa grupo ang naisip niyang plano - lumapit kay Sarimaw sa gitna ng isang malawakang digmaan at patayin siya gamit ang espada ni Minokawa. Hindi sumang-ayon si Lakas sa plano ng kanyang kapwa bagani dahil ayaw niyang may mapahamak o mamatay na mga inosente. Sinagot naman ng TagaGubat na hindi maiiwasang may masaktan o mamatay habang nakikipagdigma sila kay Sarimaw.
 
 
Pero nakaisip si Lakas ng planong hindi kailangan idamay ang iba - kailangan niyang ipaniwala kay Sarimaw na patay na siya. Sasaksakin niya ang makapangyarihang nilalang habang sinisiyasat niya ang kanyang nagpapanggap na bangkay. Binalaan ni Gloria si Lakas na isang pagkakataon ang meron siya para sa planong ito dahil kung mabibigo siya, kamatayan ang kapalit.
 
 
Bilang paghahanda sa nararating na digmaan, tinuruan ni Lakas si Liksi (Zaijian Jaranilla) kung paano gamitin ang kanyang sandata. Tinuruan din siya ni Dumakulem kung paano gumamit ng arnis.
 
 
Isang gabi, may nakasalubong na kaaway ang mga TagaDisyertong lumabas ng kweba at agad itong iniulat kay Lakas. Lumabas ang mga bagani para harapin ang kaaway, at nagulat silang makita ang kapwa nilang bagani na si Lakam (Matteo Guidicelli).
 
 
Samantala sa Isla ng Matutulis, binigyan ni Matadora (Aiko Melendez) ng misyon si Marikit (Charlie Dizon) - hanapin si Lakas at patayin siya para mapasakanila ang pabuyang pinapangako ni Sarimaw at mabuhay silang mapayapa sa ilalaim ng kanyang pamumuno.
 
 
Pakikinggan ba nina Lakas at Dumakulem si Lakam? At susunod ba si Marikit sa utos ng kanyang ate?
 
Abangan ang “Bagani” gabi-gabi sa Primetime Bida pagkatapos ng “FPJ’s Ang Probinsyano”!     
SHARE ON FACEBOOK
SHARE ON TWITTER