• Home
  • News
  • #AlyansaNgBagani Recap: Pagkilos ni Lakam

#AlyansaNgBagani Recap: Pagkilos ni Lakam

Bumubuo na si Lakam (Matteo) ng alyansa laban sa mga TagaDisyerto! #Bagani

Danielle Aquino
by
Danielle Aquino

4/2/2018 in News
#AlyansaNgBagani Recap: Pagkilos ni Lakam
Nakakuha na ng kumpirmasyon si Lakam (Matteo Guidicelli) sa balitang kakampi ng mga nagrebeldeng mangangalakal ang mga TagaDisyerto noong nakaraang Miyerkules (Marso 28) sa “Bagani.”  
 
Dahil pinaniniwalaan na ng maharlikang mangangalakal na kalaban na si Lakas (Enrique Gil), inilahad ni Lakam sa pinunong Ama (Robert Sena) ang kanyang planong bumuo ng alyansa para magkaisa ang Sansinukob laban sa anumang uri ng kasamaan - kampon man ni Sarimaw (Ryan Eigenmann) o baganing walang dangal.
 
 
Nilapitan muna ni Lakam si Dumakulem (Makisig Morales) tungkol sa alyansa. Ikinuwento ng mangangalakal ang tungkol sa planong pagpapatalsik ni Lakas sa kanyang pamilya, na sinusuportahan siya ng mga rebeldeng mamamayan ng rehiyon. Pumayag ang TagaGubat na sumali sa alyansa ni Lakam, at iminungkahi pa niya na kailangan nila ng isa pang baganing papanig sa kanila.
 
 
Sunod na nilapitan ng mangangalakal ang maharlikang magkapatid ng TagaPatag. Pumayag agad si Dilag (Precious Lara Quigaman) na ipagpatuloy ang pagsanib ng kanilang mga bayan, pero tumutol si Ganda (Liza Soberano) sa plano. Hindi nagustuhan ng maharlikang magsasaka ang hindi pagsama ni Lakam sa dalawa pang bagani.
 
 
Hindi sumasang-ayon si Ganda sa pagbabalewala ni Lakam sa maaaring opinyon nina Lakas at Mayari (Sofia Andres) at sa kanyang matinding galit sa mga TagaDisyerto. Ipinagtanggol ng dalaga ang angkan ng mga mandirigma, pero hindi nakinig si Lakam.
 
 
Samantala sa bayan ng mga TagaDisyerto, malalim na pinag-iisipan ni Lakas ang nakitang hinaharap ni Gloria (Dimples Romana). Ibinahagi niya sa kanyang inang si Lila (Ana Abad Santos) ang nakitang paghihirap ng babaylan kung pipiliin niya ang pagmamahal sa tungkulin. Iniisip ng mandirigma na baka nga kailangan niyang piliin ang tungkulin bilang pinuno ng kanilang angkan, pero ayaw ni Lila na mawalan siya ng pag-asa pagdating sa pagmamahal.
 
 
Ano ang gagawin ni Lakas? At ano ang mangyayari sa alyansang binubuo ni Lakam?
 
Abangan ang “Bagani” gabi-gabi sa Primetime Bida pagkatapos ng “FPJ’s Ang Probinsyano”!     
SHARE ON FACEBOOK
SHARE ON TWITTER