• Home
  • News
  • #BaganiBalikLakas Recap: Ang kuwento ni Sarimaw

#BaganiBalikLakas Recap: Ang kuwento ni Sarimaw

May dahilan lahat ng ginagawa ni Sarimaw (Ryan), at iyon ay para sa kanyang ina (Kristine) #Bagani

Danielle Aquino
by
Danielle Aquino

4/16/2018 in News
#BaganiBalikLakas Recap: Ang kuwento ni Sarimaw

Kahit ang mga masamang nilalang tulad ni Sarimaw (Ryan Eigenmann) ay may minamahal.

Ibinunyag nung nakaraang Biyernes (Abril 13) sa “Bagani” na pilit na pinapahanap ng makapangyarihang nilalang ang baganing si Lakas (Enrique Gil) dahil kailangan niya ang kapangyarihan ng Minokawa para mapalaya ang kanyang inang si Malaya (Kristine Hermosa).

Noong bata pa lang sina Sarimaw at Apo (Diether Ocampo), sinabi na ng kanilang amang Bathala (Raymond Bagatsing) na kay Apo mapupunta ang Minokawa pagdating ng panahon.

Nagtapat si Sarimaw sa kanyang ina na ramdam niyang mas mahal ni Bathala si Apo. Kahit na tinitiyak ni Malaya sa kanyang anak na mahal sila pareho ng kanilang ama, hindi ito pinaniwalaan ni Sarimaw. Para sa kanya, ang kanyang ina lang ang nagmamahal at nakakaintindi sa kanya.

Isang araw, nakita ni Malaya na umiiyak si Sarimaw dahil nagamit niya ang kanyang kapangyarihan sa mga tao ng Sansinukob. Humingi ng tawad ang bata, sinabi na hindi niya sinasadya ang nangyari, at inamin na natatakot siyang parusahan ni Bathala.

Pinatigil ni Malaya ang kanyang anak sa pag-iyak at sinabing huwag siyang matakot dahil gagawa siya ng paraan para protektahan siya mula sa kanyang asawa.  

Hinarap ni Malaya si Bathala tungkol sa pagpapahalaga niya sa mga tao ng Sansinukob higit sa kanilang pamilya. Ipinaalam ng diyosa sa kanyang asawa na ginamit niya ang kanyang kapangyarihan sa kanila bilang paghiganti sa pagpapabaya niya.

Nang sabihin ni Bathala sa kanyang asawa na siya mismo ang makakaharap niya kung may masamang balak siya sa mga tao, inatake siya ni Malaya gamit ang kanyang kapangyarihan.

Sinabi ni Bathala kay Sarimaw na ang apoy ng Minokawa lamang ang makakapaglaya sa kanyang ina mula sa kanyang pagkabilanggo.  

Sa Sansinukob, nahanap ni Dumakulem (Makisig Morales) ang mga paskil na may mukha ni Lakas galing sa mga tauhan ni Sarimaw. Dahil mukhang ang mandirigma ang pilit na hinihanap ng makapangyarihang nilalang, sinabi ni babaylan Gloria (Dimples Romana) na maaaring sumalakay ang TagaGubat dahil hindi siya inaasahang lumaban.

Magtatagumpay ba sina Dumakulem, Gloria, at Liksi (Zaijian Jaranilla) sa kanilang plano?

Abangan ang “Bagani” gabi-gabi sa Primetime Bida pagkatapos ng “FPJ’s Ang Probinsyano”!     

SHARE ON FACEBOOK
SHARE ON TWITTER