• Home
  • News
  • #BaganiGandangNakakabihag Recap: Lakas vs. Higa

#BaganiGandangNakakabihag Recap: Lakas vs. Higa

Kinalaban ni Lakas (Enrique) ang kampeon ng mga tulisan na si Higa (Eric)! #Bagani

Danielle Aquino
by
Danielle Aquino

4/13/2018 in News
#BaganiGandangNakakabihag Recap: Lakas vs. Higa

Sumabak na muli sa labanan si Lakas (Enrique Gil) kagabi (Abril 12) sa “Bagani”!

Dinala si Lakas nina Laki (Mark Andaya), Sarap (Mico Penaloza), at Ali (Igi Boy Flores) sa laban ni Higa (Eric Tai) para ipaalala sa kanya kung paano lumaban. Napanood ng mandirigma na paulit-ulit na tinatalo ng malaking tulisan ang kung sinumang kumakalaban sa kanya.

Habang nagtatawag ng mga bagong kakalaban kay Higa, pinahayag ni Mango (Jeffrey Tam) na 100 pirasong ginto at 200 pirasong pilak ang mapapanalunan ng kung sinumang makakatalo sa kampeon. Maya-maya ay si Lakas na ang humarap sa tulisan.

Iniwasan ni Lakas ang lahat ng atake ni Higa hanggang sa siya na mismo ang paulit-ulit na sumusuntok sa tulisan. Sinipa nang malakas ng mandirigma ang pirata sa panga at ito’y bumagsak, bagay na ikinagulat ng lahat ng tulisan.

Pinalakpakan ng mga tagaisla si Lakas at ibinigay sa kanya ang premyong pinangako. Agad niya itong binigay kay Marikit (Charlie Dizon) bilang pambayad sa mga sirenang pinakawalan niya.

Kinasaya ni Matadora (Aiko Melendez) ang ginto at pilak na binigay sa kanya ni Marikit galing kay Lakas dahil napatunayan na niya ang kanyang halaga. Nagpasya ang pinuno ng mga tulisan na ipapalaban nila ang TagaDisyerto para mas yumaman pa sila at ibebenta nila bilang alipin kung hindi siya susunod.

Samantala sa Sansinukob, nakasalubong na ni Liksi (Zaijian Jaranilla) sina Dumakulem (Makisig Morales) at babaylan Gloria (Dimples Romana) sa kanyang paglalakbay. Pagkatapos niyang malaman ang nangyari kay Lakas ay ikinuwento niya ang natuklasan ng kanyang ama.

Narinig ni Malong na nag-uusap sina Sarimaw (Ryan Eigenmann) at ang tagapayong hukluban (Minco Fabregas) tungkol sa kanyang mga sugat. Natuklasan niya na maaaring mapatay ang makapangyarihang nilalang habang hindi niya suot ang kanyang baluti gamit ang espada ni Lakas, ang Minokawa.

Sa bayan ng mangangalakal, nagpalabas si Sarimaw ng mensahe sa buong Sansinukob - ang sinumang makakahanap kay Lakas ay makakatanggap ng malawak na lupain at kayamanang walang katulad bilang gantimpala.

Dahil nakikita na niya ang tunay na pagkatao ni Sarimaw, pinagsisisihan na ni Lakam (Matteo Guidicelli) ang lahat ng kanyang pagkakamali. Pinangako niya sa kanyang makapangyarihang nilalang na si Bernardo Carpio (Benjie Paras) na gagawin niya ang lahat para iligtas ang Sansinukob mula kay Sarimaw.

Ano na ang mangyayari kay Lakas?

Abangan ang “Bagani” gabi-gabi sa Primetime Bida pagkatapos ng “FPJ’s Ang Probinsyano”!     

SHARE ON FACEBOOK
SHARE ON TWITTER