• Home
  • News
  • #AngPagmulatNgBagani Recap: Ang misyon ni Liksi (Zaijian)

#AngPagmulatNgBagani Recap: Ang misyon ni Liksi (Zaijian)

Magiging #Bagani na ba si Liksi (Zaijian)?

Danielle Aquino
by
Danielle Aquino

4/12/2018 in News
#AngPagmulatNgBagani Recap: Ang misyon ni Liksi (Zaijian)

Sinalakay ng hukbo ni Sarimaw (Ryan Eigenmann) ang iba’t ibang rehiyon ng Sansinukob kagabi (Abril 11) sa “Bagani.”

Binihag ng mga kawal ang mga TagaPatag, TagaGubat, at TagaDisyerto. Hinarap nila sina Kidlat (Rayver Cruz), Dilag (Precious Lara Quigaman), Ula (Mikylla Ramirez), at ang ama ni Dumakulem (Gaston Dwight) sa kanilang panginoon. Ipinatapon sila ni Sarimaw sa kulungan kasama ng kanilang mga kababayan.

Sa pagkilos ni Sarimaw ay hindi na napigilan ni Malong ang manahimik pa. Sinabihan niya si Liksi (Zaijian Jaranilla) na kailangan niyang hanapin si Lakas (Enrique Gil) at ipaalam ang lahat ng nangyayari sa paghahari ng makapangyarihang nilalang. Sinabi ni Malong sa kanyang anak na kailangan sumugod ng bagani habang nanghihina pa si Sarimaw.

Hindi pumayag si Liksi na iwan ang kanyang pamilya, pero sila mismo ang nagpalakas sa kanyang loob para tanggapin ang misyong ipaglaban ang kanilang kalayaan. Pinangako ng batang mangangalakal na hindi siya mabibigo, na babalik siya kasama ang mga bagani.

Nung tumakas na si Liksi mula sa kanyang bayan, nakita siya ni babaylan Gloria (Dimples Romana) gamit ang kanyang kapangyarihan. Pinakita niya ang binata kay Dumakulem (Makisig Morales) at sinabing siya ang bagong pag-asa nilang lahat.

Samantala sa Isla ng Matutulis, hindi pinakita ni Lakas ang kanyang husay sa pakikipaglaban nung binebenta na siya at pinagtawanan ng ibang mga pirata ang grupo ni Marikit (Charlie Dizon).   
Dahil walang napala ang huli ng dalagang kapitan, pinarusahan siya ni Matadora (Aiko Melendez), ang pinakamalupit at pinakamabagsik sa isla ng tulisang dagat.

Nakita ni Lakas na umiiyak ang dalagang nanghuli sa kanya habang nililinis niya ang mga sugat mula sa paghagupit sa kanya. Naalala niya ang hiling ni Ganda (Liza Soberano) na buuin niya muli ang mga bagani at pinangakong tutuparin niya ito.

At sa isang mahiwagang gubat, ipinakitang lumulutang si Ganda hanggang sa nagbukas ang kanyang mga mata.

Magtatagumpay ba si Liksi sa kanyang misyon? At nasaan si Ganda?

Abangan ang “Bagani” gabi-gabi sa Primetime Bida pagkatapos ng “FPJ’s Ang Probinsyano”!     

SHARE ON FACEBOOK
SHARE ON TWITTER