• Home
  • News
  • #ApoAtSarimawNgBagani Recap: Ang makapangyarihang magkapatid

#ApoAtSarimawNgBagani Recap: Ang makapangyarihang magkapatid

Ramdam ng Sansinukob ang laban nina Apo (Diether) at Sarimaw (Ryan)! #Bagani

Danielle Aquino
by
Danielle Aquino

3/23/2018 in News
#ApoAtSarimawNgBagani Recap: Ang makapangyarihang magkapatid
Ibinahagi ni babaylan Gloria (Dimples Romana) ang kwento nina Apo (Diether Ocampo) at Sarimaw (Ryan Eigenmann) sa mga “Bagani” kagabi (Marso 22).
 
Pinadala ang dalawang makapangyarihang nilalang na anak ni Bathala para bantayan at pangalagaan ang Sansinukob at ang mga taong naninirahan dito. Pero sa halip na sundin ang utos ng kanilang ama tulad ni Apo, ginusto ni Sarimaw na pagharian ang mga tao, na maging pinuno nilang lahat.
 
 
Ginamit ni Gloria ang kanyang kapangyarihan para ipakita sa limang bagani na si Sarimaw ang nagpadala ng higante at mga dragon. Pinaalam din niya kina Lakas (Enrique Gil), Ganda (Liza Soberano), Lakam (Matteo Guidicelli), Dumakulem (Makisig Morales), at Mayari (Sofia Andres) na galing kay Apo ang kapangyarihang tumulong sa kanilang labanan ang higante noon.
 
 
Samantala sa kalangitan, hinarap ni Apo si Sarimaw sa kanyang pagsuway sa utos at sa pag-atake sa mga tao. Nag-away sila at inatake ni Sarimaw ang kanyang kapatid.
 
Nag-alala ang mga bagani sa biglang pagkulog sa langit at pag-alog ng lupa dahil ramdam sa Sansinukob ang lakas ng laban ng magkapatid.
 
 
 
Kahit na nanaig si Apo sa kanilang laban, hindi niya nagawang patayin ang sarili niyang kapatid. Ginamit ni Sarimaw ang pagkakataong ‘yun para saksakin si Apo sa dibdib. Hindi pinayagan ni Apo na manalo si Sarimaw kaya kinulong niya ito sa loob ng malaki at matibay na kristal bago siya tuluyang nanghina.
 
 
Pareho silang nahulog pababa sa Sansinukob. Nang makita ni Gloria ang nahuhulog na si Apo ay agad niyang inutusan ang mga bagani na bumalik sa kani-kanilang mga angkan at protektahan sila.
 
 
Agad binalita ng mga bagani ang kanilang nalalaman sa kanilang mga angkan - na nasa gitna sila ng laban sa pagitan ng makapangyarihang magkapatid at kailangan nilang magkaisa para malampasan ang anumang maaaring mangyari.
 
Dito nagsimula ang pagtutulungan ng mga rehiyon. Nagbigay ng mga halaman at gamot ang mga TagaGubat sa mga TagaLaot at binigyan naman ng mga mangingisda ang mga mangangaso ng maraming isda. Nagpadala naman si Ganda ng iba’t ibang ani kay Lakas at bilang pasasalamat ay nagpabalik siya ng isa sa kanyang magigiting na mandirigma para ituloy ang pagsasanay ng mga magsasaka sa pakikipaglaban.
 
 
 
 
 
Paglipas ng ilang buwan ay nagising na si Apo sa pangangalaga ni Gloria. Inamin ng babaylan na hindi niya alam kung paano pagalingin ang sugat ng makapangyarihang nilalang, pero sinabi ni Apo na si Sarimaw lang ang makakapagtanggal ng lason mula sa kanyang sugat. At dahil ayaw niyang bigyan ng pagkakataon ang kanyang kapatid na pagharian ang Sansinukob, hindi pumayag si Apo na palayain si Sarimaw sa kanyang bilangguan.
 
 
Magpapatuloy ba ang pagkakaisa ng Sansinukob? At paano makakaligtas si Apo?
 
Abangan ang “Bagani” gabi-gabi sa Primetime Bida pagkatapos ng “FPJ’s Ang Probinsyano”!
SHARE ON FACEBOOK
SHARE ON TWITTER