• Home
  • News
  • #KasalangBagani Recap: Pagbabago sa TagaDisyerto

#KasalangBagani Recap: Pagbabago sa TagaDisyerto

Pinuno na si Lakas (Enrique)! #Bagani

Danielle Aquino
by
Danielle Aquino

3/16/2018 in News
#KasalangBagani Recap: Pagbabago sa TagaDisyerto
May hinirang na bagong pinuno ang mga mamamayan ng TagaDisyerto kagabi (Marso 15) sa “Bagani”!
 
Si Kidlat (Rayver Cruz) ang unang ginusto ng mga mandirigma na maging bagong pinuno, pero alam niyang may mas magaling kaysa sa kanya. Patago niyang inatake si Lakas (Enrique Gil) habang siya ay nagtatanim sa kanilang munting halamanan.
 
Mabilis namang kumilos si Lakas at ipinagtanggol ang kanyang sarili gamit ang anumang sandatang makukuha mula sa paligid.  
 
 
Nang napatumba na ni Lakas ang kanyang kaaway, nagulat niyang nalaman na si Kidlat pala ang kalaban niya. Sinabi ni Kidlat sa lahat ng mga mandirigma na si Lakas ang karapat-dapat maging pinuno dahil siya ang pinakamahusay at pinakamalakas sa kanilang lahat. Wala namang makatanggi dahil nasaksihan nilang lahat ang naging laban at napahanga sa husay ng binata.
 
 
Bilang pinunong gustong ibalik ang dangal sa kanyang angkan, ang unang utos ni Lakas ay ang pagtigil sa pakikidigma. Sinabi niya sa kanyang hukbo na lalaban sila kung kinakailangan, pero hindi na sila ang magsisimula ng laban. Sinabi din niya na hindi na sila magnanakaw at mananakit ng kapwa para mawala ang paniniwalang masasama ang mga TagaDisyerto.
 
 
 
Samantala sa bayan ng mga mangangalakal, pumayag na si Dilag (Precious Lara Quigaman) na ikasal ang kanyang nakababatang kapatid na si Ganda (Liza Soberano) sa tagapagmana ni pinunong Ama (Robert Sena) na si Lakam (Matteo Guidicelli) bilang pasasalamat sa kanilang pagligtas mula sa kamay ng mga TagaDisyerto.
 
 
Sa langit naman, iminungkahi ni Sarimaw (Ryan Eigenmann) sa kanyang kapatid na si Apo (Diether Ocampo) na bigyan ang mga tao ng isang pagsubok na malalampasan lamang nila kung magkakaisa sila. Kapag hindi nagtagumpay ang mga tao tulad ng pinaniniwalaan ni Apo, pababayaan niya si Sarimaw na mamuno sa kanila sa paraang gusto niya.
 
 
Nagpadala si Sarimaw ng isang higante sa Sansinukob, nilusob nito ang rehiyon ng TagaKalakal, at natigil ang kasal nina Ganda at Lakam.
 
 
Magkakaisa ba ang mga rehiyon para labanan ang higante?
 
Abangan ang “Bagani” gabi-gabi sa Primetime Bida pagkatapos ng “FPJ’s Ang Probinsyano”!
SHARE ON FACEBOOK
SHARE ON TWITTER