REGGEE'S DIGEST: Angeline, nagkuwento tungkol sa reunion with Coco
Posible bang manumbalik ang pagtingin ni Angeline kay Coco?
Reggee Bonoan
by Reggee Bonoan
11/13/2017 in REGGEE'S DIGEST
0
REGGEE'S DIGEST: Angeline, nagkuwento tungkol sa reunion with Coco

“Sabi ko po sa kanya na-miss ko siyang (Coco Martin) katrabaho at ngumiti naman po siya, ganun din daw po siya,” ito ang sabi sa amin ni Angeline Quinto nang makausap namin habang nasa Cebu siya nitong Huwebes, November 9.

Tinanong kasi namin kung ano ang pakiramdam na muli silang nagkita ni Coco Martin sa "FPJ’s Ang Probinsyano' kung saan isa si Angeline sa guest stars kasama sina Rico J. Puno, Janno Gibbs, at Irma Adlawan.

At ang sagot naman daw ni Coco sa muli nilang pagsasama? “Masaya raw po na magkatrabaho ulit kami,” sabi ng singer-actress.

Base sa ipinalabas na episodes ng "FPJAP" ay mandurukot ang papel ni Angge (palayaw ng aktres) kasama ang kapatid na si Janno na ikinabubuhay ng pamilya nila dahil parehong walang trabaho ang mga magulang.

“'Yung character ko po na mandurukot, hindi ko alam kung magtatagal kasi hindi ko pa po alam ang mangyayari. Pero kasi po, ‘yun lang ang dahilan para matulungan ko ang family ko kasi mahirap lang kami ro’n, sa squatters area kami nakatira. Abangan niyo po kasi maraming kuwentong mabubuksan ulit na may kinalaman ang tatay ko (Rico J) sa mga taga-Pulang Araw,” katwiran ni Angeline.

Pinag-aralan ba ng aktres ang karakter na mandurukot? “Alam ko na po ‘yan kasi sa tinirhan (Maynila) ko dati, nakikita ko ‘yung galawan ng mga mandurukot kaya alam na alam ko ‘yung tinginan at galaw nila,” kuwento sa amin.

Hirit pa niya, “Basta Ate Reggee, abangan mo ang 'Probinsyano' kasi tiyak na matutuwa ka sa role namin doon.”

At dahil tinutukso namin ang dalaga kay Coco na baka bumalik ang dati nitong gusto sa aktor, “Naku Ate Reggs, magkaibigan po kami ni Coco kaya wala po ‘yun,” mabilis nitong sagot.

Note: Reggee’s Digest stories are contributed by entertainment columnist Reggee Bonoan. Views and opinions made here do not state or reflect those of ABS-CBN Film Productions, Inc.

SHARE ON FACEBOOK
SHARE ON TWITTER