REGGEE'S DIGEST: Sylvia, tumanggap ng parangal mula sa kanyang pinagmulan
Sylvia: "Nagulat nga ako."
Reggee Bonoan
by Reggee Bonoan
10/2/2017 in REGGEE'S DIGEST
0
REGGEE'S DIGEST: Sylvia, tumanggap ng parangal mula sa kanyang pinagmulan

"Hindi ka busy tumanggap ng awards," ito ang biro namin kay Sylvia Sanchez dahil pagkatapos bigyan ng Best Actress award ng PEP noong Lunes, Setyembre 25, para sa mahusay nitong pagganap sa seryeng "The Greatest Love" ay muli na naman siyang hinirang sa parehong kategorya’t programa sa 7th EdukCircle Award nitong Sabado, Setyembrte 30, sa UP Diliman.
 
Nitong Huwebes, Setyembre 28 ay lumipad siya patungong Mindanao para tanggapin ang award na Outstanding Citizen of Nasipit, Agusan del Norte mula sa NABATA (Nasipit Balik-Tan-Aw) group na kinabibilangan ng 22 professionals na tagaroon. Balik-tanaw dahil hindi nakakalimutan ang pinanggalingan.

Kasama si Ibyang sa 22 professionals na pinarangalan din ng NABATA at sa nabanggit ay siya lang ang hindi nakapagtapos ng pag-aaral pero siya ang hinirang na maging speaker sa okasyon para ibahagi sa lahat kung paano niya naabot ang tagumpay na mayroon siya ngayon.

Ang paliwanag kaya siya ang napili ay dahil nakilala at nababanggit ang Barangay Nasipit, Agusan del Norte sa buong mundo dahil nababasa sa mga pahayagan at social media, naririnig sa radyo at napapanood ito sa telebisyon dahil lagi itong binabanggit ni Sylvia sa mga interbyu niya kung saan siya nagmula.

Oo nga dahil sa pagsisikap ni Ibyang kaya siya nakilala at nalibot ang ibang bansa maski na wala siyang college diploma.

Tinatanaw din ng Barangay Nasipit ang lahat ng kabutihang ginawa at ginagawa ng aktres sa mga kababayan niya lalo na kapag may mga sakuna o nangangailangan ng tulong nang walang hinihintay na kapalit.

“Nagulat nga ako nung sinasabi nila sa akin ‘yun, akala ko kasi kami-kami lang na mga kababayan ko ang nakakakita. Wala naman akong bitbit na TV camera para i-cover,” masayang sabi ng aktres.

Note: Reggee’s Digest stories are contributed by entertainment columnist Reggee Bonoan. Views and opinions made here do not state or reflect those of ABS-CBN Film Productions, Inc.

Tags: Sylvia Sanchez 
SHARE ON FACEBOOK
SHARE ON TWITTER