• Home
  • News
  • Reggee's Digest: 'Mas magaling siya' - Sylvia on Arjo

Reggee's Digest: 'Mas magaling siya' - Sylvia on Arjo

Sylvia, walang paglagyan ang saya dahil sa anak na si Arjo

Star Cinema Admin
by
Star Cinema Admin

10/4/2016 in News
Reggee's Digest: 'Mas magaling siya' - Sylvia on Arjo

By Reggee Bonoan


Masaya ang tinig ni Sylvia Sanchez nang makausap namin siya sa cellphone noong Lunes ng gabi habang naka-break time siya sa taping ng The Greatest Love sa San Miguel, Bulacan.
 
Hindi mabilang ng aktres ang dami ng tumatawag at nagte-text sa kanya para batiin siya sa ganda ng seryeng "The Greatest Love" at higit sa lahat, sa napakahusay na pagganap ng anak niyang si Arjo Atayde sa "FPJ’s Ang Probinsyano" noong Biyernes ng gabi hanggang nitong Lunes.
 
“Grabe Reggs, hindi humihinto ang telepono ko sa kariring at kakatanggap ng text, sobra-sobrang nagpapasalamat ako sa lahat ng bumabati sa akin at kay Arjo. Wala akong mapaglagyan ng saya ko.
 
“Ito ang sagot sa mga panalangin ko noon na kung desidido na si Arjo na mag-showbiz, sabi ko, ‘Lord, sana po, marunong umarte ang anak ko, sana po, bigyan niyo siya ng pagkakataong ipakita ang nalalaman niya sa pag-arte.
 
“’Yun lang ang panalangin ko, konting acting lang, tapos matutunan naman na niya ‘yan, e, Reggs, hindi ko alam na ganun pala, sumobra ang ibinigay ng Diyos kay Arjo, mahusay siya, hindi dahil anak ko siya, nakitaan ko naman din talaga,” masayang kuwento ng aktres.
 
Biniro namin si Ibyang na mas magaling ang anak niyang umarte kaysa sa kanya.
 
“Oo naman, hindi ko naman ipagkakait ‘yun.  Kapag sinasabi nga ng iba na magaling akong umarte nagpapasalamat ako.
 
“Pero kapag sinasabing mas mahusay si Arjo kaysa sa akin ay talagang aaminin ko kasi totoo talaga, siyempre anak ko ‘yun.
 
“Ako natuto na lang ako sa tagal ko na sa industriya, at aaminin ko na hindi ito overnight na napag-aralan ko, matagal, nahasa na rin sa tagal.
 
“Pero si Arjo, ilang taon palang siya at talagang nag-aaral siya, nanonood ‘yan ng mga pelikula, lahat ng kilos at galaw, inaaral niya,” mahabang sabi ni Mama Gloria ng The "Greatest Love."
 
Tandang-tanda pa raw ni Ibyang na noong bagets pa si Arjo at nag-workshop siya sa Star Magic at hindi pa artista ay nakitaan na raw nila ng talent sa pag-arte ang aktor sa isinagawang recital.
 
“Nanood kami ng daddy (Art Atayde) niya, sinama ko daddy niya para makita kung papayagan niyang mag-artista si Arjo kasi ayaw na ayaw ng daddy niyang mag-artista kasi nga gusto negosyo, sumunod sa kanya, mag-negosyo.
 
“Right after ng performance ni Arjo, tanging nasabi lang ng daddy niya, ‘ito ang field ni Arjo.’
 
“Kaya muna no’n, pinayagan na si Arjo ng daddy niya na mag-showbiz.  Ako naman after kong mapanood si Arjo, sabi ko, ‘thank you Lord, mas magaling sa akin ang anak ko.’”
 
E, kanino nagmana ng galing sa pag-arte si Arjo? “Edi sa akin pa rin, ha, ha, ha, ha, ha,” tumawang sagot sa amin ng aktres.
 
Sabay sabing, “mas magaling lang siya.”

Samantala, maski na walang masyadong tulog at pahinga si Ibyang ay okay lang sa kanya dahil may trabaho siya, kaysa nga naman nganga siya.
 
“‘Yun lang talaga, kapag wala akong taping ng Sabado o Linggo, talagang bitbit ko si Xavi (bunsong anak) sa Punta Fuego para makapagpahinga at makasama ko sila. Sobrang nami-miss ko ang mga anak ko.
 
“Talagang patay lahat ang cellphone, ayokong maistorbo, kasi ito lang ‘yung araw na para sa pamilya ko kaya talagang sinusulit ko ang buong araw,” kuwento ng aktres.
Nagpapasalamat nga raw si Ibyang kay Papa Art dahil naiintindihan siya at hindi siya pinagbabawalang magtrabaho kaya in return hangga’t kaya ng aktres ay ginagawa naman niya ang lahat kapag may oras siya.
 
“Lalo na kapag uuwi ako ng madaling araw, tulog na lahat, siyempre nakaka-guilty din ‘yun, kaya nga sobrang nagpapasalamat ako kay Art kasi naintindihan niya.
 
“Nakakatawa nga, minsanan na lang din kaming magkita ni Arjo kasi busy din siya, minsan nag-abot kaming dumating ng madaling araw, kumustahan lang, ganun kasi matutulog na rin siya dahil maaga call time niya.
 
“Sabi lang niya last week, ‘ma, you watch the 'Probinsyano' episode on Friday (last week), then let me know your feedback.  E, ‘yun pala ‘yung nag-break down siya dahil namatay ang kapatid niya.”
 
May anniversary concert ang "FPJ’s Ang Probinsyano" sa Smart Araneta Coliseum sa Sabado, Oktubre 8, at maski raw gustung-gustong manood ni Ibyang ay baka raw hindi niya magawa dahil may taping siya ng "The Greatest Love."

Note: Reggee’s Digest stories are contributed by entertainment columnist Reggee Bonoan. Views and opinions made here do not state or reflect those of ABS-CBN Film Productions, Inc.


The ultimate online fan experience gets even better here at starcinema.com.ph.

See other latest news here, visit our online store, and talk about your favorite stars, movies, and TV shows on Fans Speak!

For more updates:

Follow Star Cinema:
Twitter: @StarCinema
Instagram: starcinema
Google Plus: ABSstarcinema
Youtube: ABSstarcinema
Facebook: StarCinema
Snapchat: starcinema
 
For more updates on your favorite Star Cinema movies, continue to visit www.starcinema.com.ph
SHARE ON FACEBOOK
SHARE ON TWITTER