• Home
  • News
  • Reggee's Digest: Yeng, gustong sundan ang yapak nina Rey Valera, Vehnee Saturno

Reggee's Digest: Yeng, gustong sundan ang yapak nina Rey Valera, Vehnee Saturno

Yeng, magbabago nga ba ng musika?

Star Cinema Admin
by
Star Cinema Admin

10/22/2016 in News
Reggee's Digest: Yeng, gustong sundan ang yapak nina Rey Valera, Vehnee Saturno

By Reggee Bonoan


Naka-one-on-one namin si Yeng Constantino pagkatapos ng Q and A press con ng "Divas Live in Manila" concert na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum sa Nobyembre 11.

Binati namin ang millennial songwriter sa tagumpay ng musical play na "Ako Si Josephine" na ginanap sa PETA at produced ng Cornerstone Concerts and Events.
 
Maraming nagandahan sa mga huling araw ng "Ako Si Josephine" kaya tinanong namin si Yeng kung may rerun.

“I think, may plano po kasi maraming demands, good po ‘yun.  Sana nga magkaroon kasi you want to extend a good project para mas marami pang makapanood,” masayang sabi ng singer/songwriter at isa sa hurado ng "Tawag Ng Tanghalan sa It’s Showtime" at "Pinoy Boyband Superstar."
 
Napanood namin ang "Ako Si Josephine" at sinabi naming nabitin kami sa mga  kantang ginamit dahil umabot lang sa 20 songs, eh hindi lang naman ito ang hits ni Yeng.
 
“Actually nga po, ‘yung mga hits songs ko na inilagay do'n, konti lang tapos sinamahan ng mga kantang hindi [sikat],” katwiran ni Yeng.
 
Payo nga namin na sana dagdagan ang mga kanta ni Yeng sa rerun. “Sana po,” saad nito.
 
Pag magkakaroon ng rerun ay isasama na ang kantang sinulat niya para kay Erik Santos na may titulong "Sino Ba Ako Sa ‘Yo" at ‘yung sinulat din niya kay Angeline Quinto na dalawang kanta na kasama na sa album nitong lalabas.
 
“Hopefully po, magamit sila sa rerun ng 'Ako Si Josephine,' meron din ako for kay KZ (Tandingan), if ever,” nakangiting sabi ni Yeng
 
Wala pa raw nasusulat na kanta ang PopRock Princess para sa R&B Princess na si Kyla.
 
Natutuwa nga raw si Yeng dahil, “si Tito Martin (Nievera) nga po, sabi niya, ‘uy sulatan mo ako ng kanta,' nakaka-happy naman po kasi nakaka-gain na ako ng attention that way as a songwriter.”
 
Ibinabase raw ni Yeng sa personalidad ng isang singer ang mga kantang sinusulat niya.

“Ngayon po, ‘yung kay Erik Santos, inisip ko lang na, ‘ano kayang magandang sound for Erik?’ at maganda naman ‘yung feedback at nasa top 10 ng MYX, so at least na-introduce na siya in a brand new way music na R&B-Pop-Ballad pa rin.  Even po ‘yung kay Angge, meron akong R&B na nilagay sa kanya, pero 'yung isa forte niya which is ballad, sobrang sakit na kanta. Kay KZ naman para sa upcoming album niya... meron one song po,” kuwento sa amin.

Nakilala si Yeng bilang rakista kaya nga tinawag na Pop Rock Princess, pero kailangan daw niyang mag-aral o mag-level up ng ibang genre.
 
“Bilang songwriter po, ang nakikita kong established na talagang sumusulat ng mga ballad, or mellow kasi tayong mga Pinoy, ito ang gusto natin, relaxing at emotional kaya I want to follow into the footsteps of Sir Rey Valera, Sir Vehnee Saturno, parang nage-explore po ako on that area,” pahayag ng millennial songwriter.
 
Dagdag pa, “for longevity po kaya naisip kong magbago rin ng music, kasi tulad ngayon, may asawa na ako, gusto ko ring magka-baby.  Sabi nila, bilang songwriter daw at kapag wala ka nang ginagawa, kumikita ka pa dahil sa royalty kaya iyon po ang iniipon ko ngayon.”
 
Tinanong namin kung ilan na ang nagawang kanta ni Yeng simula nung natuto siyang magsulat.
 
“Lahat po siguro lampas ng 100 at ‘yung naka-register po sa FILSCAP (Filipino Society of Composers, Authors and Publishers) siguro nasa 55 songs na po,” napangiting kuwento ni Yeng.
Hindi naman itinanggi ng "Pinoy Dream Academy" 1st season grand winner na malaki-laki na ang kinita niya sa royalty dahil ginagamit na ang mga kanta niya sa TVC tulad ng "Hawak Kamay" at "Ikaw."
 
“Malaki naman po, kaso hati po kami ng Star Music kasi under po ako sa kanila, kaya 50-50 po,” masayang sabi pa.
 
Itinangging umabot ng seven figures ang ibinayad kay Yeng.

“Naku hindi po ako ganung level pa, hindi ako sir Ogie Alcasid, six figures palang po,” pag-amin pa.
 
Nakikipag-co-produce na rin daw si Yeng sa mga album na produced ng Star Music,

“Kasi may mga sounds akong gusto para malinaw and I’m grateful din po kasi ‘yung trust sa akin ng Star Music, nandoon na hindi parang bata na ina-assign-an ka ng producer. Ngayon ako na mismo ang pumipili.
 
“Si Kuya Jonathan Manalo po ang favorite kong vocal producer, tapos sa producer, I really love working with Kuya Raymund Marasigan and Ms. Ria Osorio."
 
Samantala, hating-hati raw ang mga awiting kakantahin ng apat na divas sa kanilang "Divas Live in Manila" concert at wala raw patalbugan sa kanila.
 
Teka, bakit nga ba sila tinawag na divas at may tsikang ginaya nila ito sa ibang bansa na kinabibilangan nina Celine Dion, Mariah Carey, Whitney Houston, Christina Aguillera, Beyonce Knowles, Sarah Brightman, Madonna, Barbra Streisand at maraming iba pa?
 
“Kasi ganu’n po ‘yung puwesto namin sa industry, parang sino bang diva sa genre na soul, si KZ, siya ‘yung pioneer, tapos sa R&B, sinong first in mind, si Ate Kyla, 'pag diva na new generation na birit, si Angeline, 'pag pop-rock music po, siguro ako,” magandang paliwanag ni Yeng.
 
Mukhang exciting nga panoorin ang apat na millennial divas ngayon kaya dapat free ang araw natin sa November 11, 8PM sa Smart Araneta Coliseum.
 
Ang "Divas Live in Manila" ay produced ng Cornerstone Concerts and Star Events with musical director Ria Villena Osorio at stage director naman si Paul Basinillo with special guests K Brosas, Jaya, and Asia’s Songbird at Regine Velasquez-Alcasid.
 
Mabibili ang tickets sa Ticketnet, 911-5555 at ang kanilang major sponsors ay ang Belo Medical Group, Silka and AOR Studios; minor sponsors Converse, Parisian Shoes and Bags, Felicidad Mansion, Taverna Catering at ang media partners ay ASAP, MYX, The Philippine Star, Business World, MOR 101.9 For Life, Magic 89.9, Manila Concerts, Philippine Entertainment Portal, Inquirer.net, abs-cbn.com, and onemusicph.com.

Note: Reggee’s Digest stories are contributed by entertainment columnist Reggee Bonoan. Views and opinions made here do not state or reflect those of ABS-CBN Film Productions, Inc.


The ultimate online fan experience gets even better here at starcinema.com.ph.

See other latest news here, visit our online store, and talk about your favorite stars, movies, and TV shows on Fans Speak!

For more updates:

Follow Star Cinema:
Twitter: @StarCinema
Instagram: starcinema
Google Plus: ABSstarcinema
Youtube: ABSstarcinema
Facebook: StarCinema
Snapchat: starcinema
 
For more updates on your favorite Star Cinema movies, continue to visit www.starcinema.com.ph
Tags: YengConstantino 
SHARE ON FACEBOOK
SHARE ON TWITTER